kasama bang naglaho ng iyong bangkay
ang iyong adhika at paniniwala?
ikaw na nagsimula ng pag-aalsa
at pagkalas sa kadena ng kaaway
sa gulok at baril pag-asa’y ginapos
pag-asang umukit sa isip at puso
nagdilig sa lupa ng luha at dugo
pagkaalipin ay dapat nang matapos
maraming pagbabago na ang hinarap
ng bayang sinakdal ng pagmamalabis
mga namuno’y nagpalit lang ng kutis
ngunit lupa ay alipin pa ring ganap
hindi pa tapos ang pakikipaglaban
ama, tangan namin ang iyong pangalan